NAGA CITY- Bangkay na nang matagpuan ang dalawang hindi pa nakikilalang mga lalaki sa Sitio Rawis, Patitinan, Sagñay, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Michael Albania, Hepe ng Sagñay Municipal Police Station, sinabi nito, na nagpapatuloy pa ang pagkalap nila ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga biktima.

Aniya, natagpuan ang bangkay ng mga ito sa ibaba ng bangin sa nasabing lugar na napapalibutan ng mga puno at damo.

Ayon pa sa opisyal, isang bata ang unang nakakita sa mga bangkay, na napadaan lamang sa lugar mula sa Tabaco, Albay at patungo sana Goa, Camarines Sur kasama ang kanyang mga magulang.

Kinailangan kasi umano ng bata na magbawas kung kaya bumaba ito sa lugar at dito na nito natagpuan ang nasabing mga bangkay.

Samantala, agad naman itong inireport sa barangay ng SK Chairman ng nasabing lugar na agad rin namang humingi ng asistensya sa mga kapulisan.

Sa kabilang banda, hindi pa naman naaagnas ang mga bangkay at pinaniniwalaang maaga ang mga ito na dinala sa lugar o kaya naman ay noong nakaraang gabi lamang.

Marami ring tao sa lugar tuwing umaga dahil maraming motorista ang nagpapahinga doon lalo na ang mga nagbabyahe mula Sagñay patungong Tiwi, Albay, ngunit pagdating ng gabi ay halos wala ng dumadaan sa lugar.

Pinaniniwalaan naman na hindi galing sa kanilang bayan ang mga natagpuang bangkay dahil wala namang nagreport sa kanila na may nawawalang residente sa kanilang lugar.

Ito naman umano ang ikatlong beses na mayroong ganitong klase ng insidente na naitala sa kanilang bayan ngunit ito ang unang beses na dalawang bangkay ang itinapon o iniwan ng mga suspek sa nasabing lugar.