Ipinaliwanag ng Bureau of Immigration (BI) ang dahilan ng paglalagay ng mga espesyal na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lanes sa mga paliparan bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na ASEAN Summit.

Ayon kay BI spokesperson Anisha Hadji Hassan, layunin ng mga nasabing express lane na mapabilis at mapadali ang pagproseso sa mga biyahero, partikular sa mga delegado at opisyal na dadalo sa summit.

Dagdag pa niya, makatutulong ang pagkakaroon ng hiwalay na mga linya upang hindi maapektuhan ang regular na proseso ng immigration para sa iba pang mga pasahero habang isinasagawa ang naturang pagtitipon.

Inaasahan kasi ng ahensya ang pagdami ng mga biyahero sa mga paliparan habang papalapit ang Nobyembre 15 hanggang 17, kung kailan nakatakdang ganapin ang ASEAN Summit.

Advertisement

Dahil dito, mahalaga ang pagpapatupad ng karagdagang operational arrangements upang matiyak ang maayos at episyenteng daloy ng mga pasahero.

Samantala, inanunsyo rin ng BI na nagpatupad na sila ng heightened alert status bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda at pagbabantay kaugnay ng nasabing pagtitipon.

Advertisement