Nakapagtala ang isang Bikolanong inhinyero mula sa Ateneo de Naga University ng kahanga-hangang tagumpay matapos manguna sa dalawang magkaibang licensure examinations sa parehong buwan ng Marso 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engr. Emmanuel Caguicla Nieva, isang Electronics Engineering graduate ng Batch 2025, aminado itong hindi pa rin siya makapaniwala sa naging resulta ng kanyang pagsusulit.
Nakuha ni Nieva ang Top 5 sa March 2026 Electronics Engineering Licensure Examination at Top 2 naman sa Electronics Technician Licensure Examination sa kaparehong buwan.
Ayon kay Nieva, labis ang kanyang galak sa naturang tagumpay dahil nagsisilbi itong patunay ng kanyang pagsusumikap at determinasyon, at masaya rin siya para sa mga taong sumusuporta sa kanya.
Ibinahagi niya na nagsimula siyang mag-review noong Nobyembre ng nakaraang taon at mahalaga ang pagkilala sa sarili at ‘purpose’, pati ang pagpili ng angkop na review center upang mapagtibay ang kanyang kaalaman sa fundamentals ng nasabing kurso.
Gayunpaman, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Inamin niyang may mga pagkakataong inakala niyang sapat na ang kanyang kaalaman, pati na rin ang pagpapanatili ng consistency sa pagre-review at ang matinding kaba bago at habang isinasagawa ang pagsusulit.
Kuwento pa niya, bata pa lamang ay pangarap na niyang maging engineer, lalo’t mahilig siyang mag-ayos at magbutingting ng mga sirang laruan.
Iginiit ni Nieva na hindi kailanman sumagi sa kanyang isipan ang sumuko. Bagama’t may mga setbacks, hindi niya hinayaang magpatali siya rito.
Sa kasalukuyan, plano niyang maghanap ng trabaho upang makakuha ng karanasan at higit pang mapahusay ang kanyang kasanayan bilang isang ganap ng engineer.
Samantala paalala niya sa mga kabataan na palaging magkaroon ng pangarap, consistency, at tiwala sa sarili. Aniya, madali lang matutunan ang mga lessons, ngunit ang tunay na paniniwala sa sarili ay kailangang linangin mula sa loob.










