NAGA CITY – Kasalukuyan nang pinaglalamayan sa kanilang tahanan ang lalaking nabangga ng van sa Pamplona, Camarines Sur.

Maaalala, inararo ng isang van ang biktima na si Rezalde Ramirez, 41-anyos, residente ng Zone 3, Barangay Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Agad naman umanong inamin ng driver ng van na nakatulog ito habang nagmamaneho dahilan upang mabangga nito ang nasabing biktima na nakahinto sa gilid ng kalsada matapos na mayroong bumili ng itinitinda nitong kutsinta.

Samantala, napagkasunduan naman umano ng magkabilang panig na magbibigay na lamang ng kompensasyon ang may-ari ng nasabing van sa halagang P200-K bilang danyos dahil sa sinapit ng biktima.