Umakyat sa 14 ang bilang ng mga nasawi sa banggaan ng dalawang tren malapit sa Jakarta, Indonesia, habang nakumpleto na ng mga rescuers ang operasyon para iligtas at ilabas ang mga pasaherong na-trap sa nagkabuhol-buhol na bagon.
Ayon sa operator ng tren na PT KAI, nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi mula sa naunang ulat, habang nasa 84 naman ang sugatan sa insidente na naganap noong Lunes ng gabi sa Bekasi, sa labas lamang ng Jakarta.
Sinabi ng Indonesian search and rescue agency na tapos na ang evacuation operation, ngunit patuloy pa ring sisilipin ang wreckage sakaling may makitang karagdagang labi ng mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad, naging delikado at maselan ang operasyon dahil sa matinding pagkakakulong ng ilang pasahero, partikular sa isang women-only carriage na siyang tinamaan nang husto sa insidente.
Sa ulat ng PT KAI, unang bumangga ang commuter train sa isang taxi sa riles bago ito tuluyang mabangga ng long-distance train, na nagpalala sa pinsala.
Sinabi ng taxi operator na Green SM Indonesia na bahagi ng kanilang fleet ang sangkot na sasakyan at nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para sa imbestigasyon.
Iniimbestigahan na rin ng Indonesia’s National Transportation Safety Committee ang insidente, habang iniutos ni President Prabowo Subianto ang masusing pagsusuri at posibleng pagpapagawa ng flyover upang maiwasan ang ganitong aksidente sa hinaharap.
Samantala, patuloy ang paghahanap ng mga kaanak ng mga biktima sa lugar ng insidente habang unti-unting ibinabalik sa normal ang operasyon ng commuter trains sa Jakarta.














