Higit tatlong katao ang patay habang 36 naman ang patuloy pang pinaghahanap matapos sumiklab ang sunog sa isang pagawaan ng kendi sa western Java, Indonesia nitong Linggo, Nobyembre 22.
Naitala ang sunog sa isang pabrika sa distrito ng Serang, Banten province, 50 kilometro ang layo mula sa kanluran ng kabisera ng Indonesia sa Jakarta.
Ayon sa National Search and Rescue Agency ng Indonesia, 15 katao na ang nailigtas mula sa sunog habang apat naman sa mga ito ay agad na isinugod sa ospital.
Ginagawa rin aniya ng ahensiya ang lahat ng makakaya nito upang mahanap ang mga nawawala pang katao sa loob ng pabrika.
Pagbabahagi ng gobernador ng Banten na si Andra Soni, tinatayang 60 na katao ang nasa loob ng naturang pabrika nang magliyab ito ng Sabado ng gabi.
Habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog, napag-alamang pagmamay-ari ng isa sa pinakamalaking ng food and beverage companies sa Indonesia ang nasunog na pabrika.














