NAGA CITY- Sugatan ang isang binatilyo matapos mabangga ng isang jeep sa Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Ray Andrae Villegas, 19-anyos, residente ng Barangay Ilayang Iyam, sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang naglalakad ang biktima sa gilid ng kalsada ng Maharlika Highway, Barangay Isabang Lucena City ng bigla na lamang itong mabangga ng pigmamanehong jeep ni Alfredo Macabenta, 68-anyos, residente ng nabanggit na lugar na papunta sana sa Sariaya, Quezon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na hindi umano nakita o napansin ni Macabenta ang biktima.

Samantala, dahil naman sa insidente, nagtamo ng sugat sa kanyang ulo at iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Villegas.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa nasabing insidente.