Itinanggi ng mga miyembro ng House Committee on Justice ang alegasyon na sila ay pinilit o binayaran upang bumoto pabor sa pagkakaroon ng probable cause laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House justice committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, wala umano siyang natanggap na anumang tawag o utos upang suportahan ang impeachment process, at iginiit na naging patas at independyente ang komite sa kanilang pagdinig.

Sinabi rin ni Senior Deputy Minority Leader at Mamamayan Party-list Rep. Leila de Lima na walang nagbigay sa kanya ng anumang insentibo o pressure, at ang unanimous vote ng komite ay patunay na may sapat na basehan ang reklamo.

Samantala, iginiit ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na malinaw ang ebidensyang lumitaw sa mga pagdinig, kaya’t hindi na kailangan ng anumang pressure upang bumoto pabor sa probable cause.

Advertisement

Ayon naman kay Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, paninira lamang ang mga alegasyong may kapalit na pera ang boto, at bahagi ito ng “black propaganda” laban sa mga sumusuporta sa impeachment.

Lumabas sa mga pagdinig ang iba’t ibang ebidensya, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, mga kahina-hinalang transaksyon sa bangko, at testimonya ng ilang resource persons ukol sa umano’y iregularidad sa pondo ng Office of the Vice President.

Kabilang din sa tinalakay ang ulat ng Anti-Money Laundering Council hinggil sa bilyong pisong transaksyon na may kahina-hinalang galaw, at ang findings ng National Bureau of Investigation ukol sa umano’y pagbabanta ng Pangalawang Pangulo laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Sa kabila nito, iginiit ng kampo ni Duterte na labag sa Konstitusyon ang naging proseso sa Kamara, at kinuwestiyon ang kredibilidad ng mga ebidensyang iniharap.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paul Lawrence Lim, ang mga ebidensya ay umano’y “curated” at kulang sa konteksto, kaya’t hindi sapat upang patunayan ang mga paratang laban sa Pangalawang Pangulo.

Advertisement