Nakalikom ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng gross collection na ₱198.755 bilyon noong Marso 2026, mas mataas ng ₱21.086 bilyon o 11.87 porsiyento kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, batay sa preliminary data hanggang Abril 13.
Ayon sa BIR, naglabas din ito ng ₱11.368 bilyon na tax refunds noong Marso, higit limang beses na mas mataas kaysa sa inilabas noong Marso 2025.
Dahil dito, umabot sa ₱187.387 bilyon ang net collection para sa buwan, na mas mataas ng ₱11.727 bilyon o 6.68 porsiyento kumpara sa nakaraang taon.
Bagama’t bumagal ang paglago ng net collection dahil sa mas mataas na refunds, ipinapakita naman nito na mas maraming pondo ang naibalik sa mga taxpayers at negosyo sa gitna ng nagpapatuloy na energy crisis.
Ayon kay Charlito Martin Mendoza, ang positibong performance ng koleksyon ay nagbibigay ng pag-asa sa gitna ng economic strain.
“Ang performance ng aming koleksyon ngayong Marso 2026 ay nakapagbibigay ng pag-asa…,” ani Mendoza, kasabay ng pagsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. at Frederick Go na tiyakin ang tuloy-tuloy na kita ng pamahalaan upang pondohan ang mahahalagang serbisyo at suportahan ang mga higit na nangangailangan.













