Nakatakdang isagawa ang Brigada Eskwela 2026 mula Hunyo 1 hanggang 5 sa CamHigh sa ilalim ng temang “Bayanihan sa Paaralan: Pagkakaisa sa Kaayusan at Kaalaman.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raymond Gutierrez, Master Teacher, Camarines Sur National High School, sinabi nito na layunin nitong pagtibayin ang pagtutulungan ng paaralan, mga magulang, at komunidad para sa paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Magsisimula ang programa sa isang kick-off activity sa Liboton Campus sa Hunyo 1, alas-7 ng umaga. Lalahukan ito ng mga mag-aaral ng Grade 7 at BEP bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng Brigada Eskwela.
Bukod sa paglilinis ng paaralan, bibigyang-pansin din ang pagpapalakas ng literacy program sa pamamagitan ng paghingi ng donasyon ng mga workbook at activity book para sa mga mag-aaral. Prayoridad din ang pagkukumpuni ng mga comfort room, kisame, at iba pang pasilidad.
Umaasa ang paaralan sa mga boluntaryo at donor dahil walang nakalaang tiyak na pondo para sa programa. Kabilang sa mga kinakailangang donasyon ang plywood, pintura, paint brushes, rollers, at iba pang kagamitan para sa pagkukumpuni.
Hinihikayat ng pamunuan ng Camarines Sur National High School ang mga magulang, alumni, at stakeholders na makiisa sa Brigada Eskwela 2026 upang matiyak ang ligtas, malinis, at maayos na kapaligiran para sa mahigit 10,000 mag-aaral ng paaralan.











