Nakatakdang isagawa ang Brigada Eskwela 2026 sa unang linggo ng Hunyo bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa School Year 2026–2027 sa Hunyo 8, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Salvador Bogs Pelingon (Division Information Officer, Deped-Camarines Sur), sinabi nito na layunin ng programa na ihanda ang mga paaralan sa pamamagitan ng paglilinis, pagpipintura, gardening, at pagkukumpuni ng mga pasilidad at kagamitan.

Binigyang-diin ni Pelingon na boluntaryo ang pakikilahok sa Brigada Eskwela at nakabatay ito sa diwa ng bayanihan. Hinihikayat ang mga magulang, guardian, non-teaching staff, at iba pang stakeholders na makipag-ugnayan muna sa mga paaralan upang malaman ang mga prayoridad na gawain. Mas hinihikayat din ang pagbibigay ng mga materyales tulad ng pintura, pako, at panlinis kaysa salaping donasyon.

Mahigpit namang ipinagbabawal ang paghingi o pagtanggap ng bayad kapalit ng hindi paglahok sa brigada. Ang programa ay hindi dapat maging pinansyal na obligasyon ng mga magulang kundi isang kusang-loob na pagtutulungan para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral at ng paaralan.

Advertisement

Samantala, ipinatutupad na ang automatic enrollment para sa mga mag-aaral na magpapatuloy sa parehong paaralan. Maaari ring magpatala sa panahon ng Brigada Eskwela ang mga papasok sa Kinder, Grade 1, Grade 7, at Grade 11, gayundin ang mga transferee na hindi nakasali sa early registration. Nilinaw din na ang mga obligasyong pinansyal sa PTA ay hindi dapat maging hadlang sa pag-enroll o promosyon ng isang mag-aaral.

Kaugnay nito, ang unang linggo ng pasukan ay ilalaan para sa mga welcoming activities at orientation sa ilalim ng bagong three-term school calendar. Sa halip na agad na magsimula ng pormal na aralin, pagtutuunan muna ng pansin ang pagpapakilala sa mga mag-aaral, pagpapaliwanag ng mga tuntunin sa silid-aralan, at pagtiyak ng maayos na pag-angkop ng mga bata sa bagong taong panuruan.

Advertisement