Photo @ web

Iminungkahi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bagong patakaran na naglalayong hikayatin ang mga bangko na magpautang para sa eco-friendly o climate-resilient na pabahay sa bansa.

Sa ilalim ng draft circular ng BSP, bababaan ang “credit risk weight” ng sustainable housing loans mula 50% hanggang 20%, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ibig sabihin, mas kaunting pondo ang kailangang itabi ng mga bangko kapag nagpapautang para sa ganitong uri ng pabahay, na inaasahang maghihikayat sa kanila na pondohan ang mga proyektong may kinalaman sa sustainable housing.

Layunin ng BSP na palakasin ang kakayahan ng bansa na makasabay sa epekto ng climate change, lalo na’t madalas tamaan ang Pilipinas ng baha, bagyo, at matinding init.

Advertisement

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, kakaunti pa lamang ang sustainable housing projects sa bansa kaya kinakailangan ang ganitong hakbang upang mapalago ang lokal na merkado. Bahagi rin ito ng pagtupad ng Pilipinas sa mga pangako nito sa ilalim ng Paris Agreement.

Upang makuha ang benepisyo ng patakaran, dapat ang mga pabahay ay may “green” features tulad ng energy-efficient design, water conservation systems, proteksyon laban sa baha gaya ng elevated floors at maayos na drainage, at paggamit ng renewable energy tulad ng solar panels.

Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang panukalang ito upang dumami ang climate-resilient homes at mahikayat ang mas maraming Pilipino at developer na mag-invest sa mas ligtas at sustainable na pabahay.

Advertisement