NAGA CITY – Patay ang isang drug suspect matapos na mauwi sa shootout ang ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Junnel Uvero, 30-anyos, residente ng Brgy. La Purisima, sa nasabing munisipalidad.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu gamit ang P500 komo buy bust money.

Ngunit, habang isinasagawa umano ang nasabing transaksyon, ng makatunog ang suspek kung kaya agad itong bumunot nang baril at nagpaputok na naging dahilan upang gumanti rin ng putok ang mga awtoridad.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang suspek na agad namang dinala sa ospital ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, narekober rin sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang piraso ng fired cartridge cases ng 9mm na baril; isang unit ng handgun revolver ng hindi pa malamang kalibre ng baril na mayroong isang misfired ammunition at limang pirasong live ammunitions maging ang iba pang mga drug paraphernalia.