Ibinasura ng Court of Appeals 3rd Division ang petisyon ni dating Negros Oriental congressman Arnolfo Teves Jr. na kumukuwestiyon sa umano’y grave abuse of discretion ng isang hukom kaugnay ng mga search warrant na inilabas noong 2023.
Ang petisyon ay tumutukoy sa mga search warrant para sa mga baril, bala, at explosives na inisyu laban kay Teves at sa kanyang mga anak na sina Kurt Matthew at Axl.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Teves na nagkamali si Manila RTC Branch 12 Judge Renato Enciso dahil hindi umano nito pinawalang-bisa ang mga search warrant at hindi rin pinigilan ang paggamit ng mga nakuhang ebidensya.
Kinuwestiyon din niya ang testimonya ng mga saksi, kabilang ang isang dating STL collector at isang pulis na umano’y walang personal na kaalaman hinggil sa mga armas.
Gayunman, ayon sa Court of Appeals, nabigo si Teves na patunayan ang umano’y matinding pagkakamali ng hukom at wala itong nakitang gross misapprehension of facts sa kaso.
Binigyang-diin ng korte na nasunod ang tamang proseso sa pagkuha ng testimonya at legal ang naging saklaw ng paghahalughog sa buong bahay.
Dahil dito, kinatigan ng CA ang bisa ng mga search warrant at itinuring na legal ang mga nakumpiskang armas at iba pang ebidensya.
Matatandaan na nahaharap si Teves sa kasong multiple murder kaugnay ng pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam pang iba.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Teves sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nililitis ang kanyang kaso.














