Kinondena ng China ang pagdaan ng isang barko ng Japan Self-Defense Forces sa Taiwan Strait, tinawag itong “deliberate provocation” habang nananatiling sensitibo ang ugnayan ng Beijing at Tokyo.
Ayon sa Chinese foreign ministry, tinugunan ng kanilang militar ang pagpasok ng barko “alinsunod sa batas at regulasyon,” kasabay ng pagbabantay sa galaw nito sa naturang karagatan.
Iniulat ng Kyodo news agency na ang Japanese escort ship na Ikazuchi ay dumaan sa Taiwan Strait nitong Biyernes, batay sa mga source na pamilyar sa operasyon.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Japan Self-Defense Forces kaugnay ng ulat.
Ayon kay Chinese foreign ministry spokesperson Guo Jiakun, itinuturing ng Beijing na seryosong isyu ang naturang aksyon at isa umano itong paglabag na maaaring makaapekto sa seguridad at soberanya ng China.
Matagal nang naninindigan ang China na ang Taiwan ay bahagi ng kanilang teritoryo, habang mariin itong tinututulan ng pamahalaan ng Taiwan. Itinuturing din ng Beijing ang Taiwan Strait bilang isang mahalagang bahagi ng kanilang interes sa seguridad.
Lalong lumala ang tensyon sa pagitan ng China at Japan matapos ang mga pahayag ng Japanese leadership kaugnay ng posibleng military response sakaling magkaroon ng krisis sa Taiwan.
Patuloy na mino-monitor ng China ang presensya ng mga dayuhang barko sa rehiyon, kabilang ang mga kamakailang pagdaan ng mga warship ng ibang bansa sa naturang stratehikong daanan.














