Nanawagan si Senator Bong Go sa mga electric cooperative sa Bukidnon at Davao Oriental na pagbutihin ang kanilang serbisyo matapos niyang maranasan ang mga brownout sa kanyang pagbisita sa dalawang probinsya.
Sa pagdinig ng panukalang 2027 budget ng Department of Energy (DOE), hinimok ni Go ang Davao Oriental Electric Cooperative at Bukidnon Electric Cooperative na tiyakin ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente para sa kanilang mga konsyumer.
Hiniling din ng senador sa DOE at National Electrification Administration (NEA) na mahigpit na subaybayan ang performance ng mga electric cooperative at panagutin ang mga hindi nakatutugon sa kanilang responsibilidad.
Nanawagan din siya sa mga kinauukulang ahensya na kalampagin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang agad na matugunan ang mga problema sa suplay at distribusyon ng kuryente.
Binigyang-diin ni Go na ang pagkakaroon ng prangkisa ay hindi isang karapatan kundi pribilehiyong may kaakibat na malaking responsibilidad sa publiko at mga konsyumer.
Ayon sa senador, hindi lamang mga kabahayan ang naaapektuhan ng madalas na brownout kundi pati ang mga negosyo, industriya ng turismo at kabuhayan ng maraming Pilipino.
Dahil dito, hiniling niya sa pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na seryosong tutukan ang problema sa suplay ng kuryente upang matiyak ang maaasahan at tuloy-tuloy na serbisyo sa buong bansa.













