Posibleng konektado sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang nangyaring pamamaril sa loob ng Senado, ayon sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sa panayam, sinabi ni PNP-CIDG chief PMaj. Gen. Robert Morico II na nakikita nilang magkaugnay ang insidente ng barilan at ang pag-alis ni dela Rosa mula sa Senado habang umiiral ang warrant of arrest laban dito mula sa International Criminal Court (ICC).

Gayunman, nilinaw ni Morico na hindi pa nila nais pangunahan ang magiging pinal na resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice kaugnay ng insidente.

Ayon pa sa opisyal, natukoy ng kanilang imbestigasyon na may naghihintay umanong backup pickup vehicle sa labas ng Senado matapos umalis ng gusali si dela Rosa kasama ang ilan nitong kasamahan.

Advertisement

Tumanggi naman si Morico na magbigay ng komento kung planado o “staged” ang nangyaring pamamaril upang magsilbing supervening event o dahilan para mailabas sa Senado ang senador.

Sa kasalukuyan, anim na indibidwal ang iniimbestigahan dahil sa posibleng paglabag sa obstruction of justice, kabilang si Senador Robin Padilla na una nang inireklamo ng CIDG sa DOJ dahil sa umano’y pagtulong kay dela Rosa upang makatakas sa mga awtoridad.

Advertisement