Binatikos ni dating Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares ang umano’y “bill shock” sa kuryente ngayong tag-init, at iginiit na hindi dapat ipasa sa mga konsyumer ang epekto ng paghina ng piso at mga gastos ng mga power company.

Ayon kay Colmenares, hindi makatarungan na ang mga konsyumer ang sumasalo sa foreign exchange risk na nagmumula sa mga dollar-denominated contracts ng mga power companies, na nagreresulta sa pagtaas ng singil sa kuryente.

Kinuwestyon din niya ang 12% Value Added Tax (VAT) sa system loss charge, na aniya ay binabayaran ng publiko kahit hindi naman nagagamit na kuryente at maaaring dulot ng inefficiency at illegal connections.

Tinuligsa rin ng dating mambabatas ang mabagal na paglipat ng ilang electric cooperative sa renewable energy, na nagiging sanhi umano ng pagiging sensitibo ng presyo ng kuryente sa pagbabago ng pandaigdigang presyo ng enerhiya.

Advertisement

Nanawagan ang grupo na gawing peso-denominated ang mga power supply agreement, alisin ang VAT sa system loss, at gumamit ng pondo ng gobyerno para sa subsidy ng lifeline consumers upang maibsan ang pasanin ng mahihirap na pamilya sa mataas na singil sa kuryente.

Advertisement