Patuloy na isinasagawa ng Commission on Elections (COMELEC) sa Caramoan ang malawakang satellite registration ng mga botante sa iba’t ibang barangay, kabilang ang mga coastal at island communities.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dennis Gomez Election Officer, COMELEC Caramoan, malaking tulong ang magandang panahon sa nakalipas na mga linggo dahil mas naging maayos ang turnout ng mga aplikante.

Noong nakaraang Biyernes, nakapagtala ang COMELEC ng 139 bagong rehistradong botante sa Barangay Kabangkongan, mas mataas kumpara sa karaniwang bilang na 15–20 applicants lamang sa opisina ng PCC. Target ng COMELEC na makalikom ng karagdagang 10% mula sa kabuuang 36,000 rehistradong botante sa Caramoan. Bukod sa mga kabataang nag-15 taong gulang, marami ring nakikitang first-time registrants na nasa edad 25 hanggang 30 na hindi pa nakapagparehistro noon.

Isa sa pinakamalaking hamon ang transportasyon, lalo na sa mga isla at liblib na barangay. Mataas ang presyo ng gasolina sa Karamuan na umaabot sa ₱100 kada litro, at ang upa sa bangka ay nasa pagitan ng ₱2,500 hanggang ₱3,500 depende sa layo. Gayunpaman, patuloy ang suporta ng mga barangay officials at lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng sasakyan at tulong sa logistics.

Advertisement

Sa proseso ng pagpaparehistro, mahigpit na sinusuri ang mga aplikante upang maiwasan ang duplication o maling impormasyon. Kadalasan ay humihingi ng birth certificate at valid ID, at kung may pagdududa, nakikipag-ugnayan sa barangay officials para sa beripikasyon. May mga pagkakataon na tinatanggihan ang aplikasyon kung mapatunayang hindi residente ng barangay na iyon.

Sa darating na mga linggo, tinatayang 18 hanggang 20 barangay pa ang bibisitahin ng COMELEC para sa satellite registration bago ang deadline sa Mayo. Inaasahang mahigit 1,000 pang aplikante ang madadagdag sa talaan ng mga botante.

Nagpaalala rin ang COMELEC sa publiko na huwag maghintay ng huling araw ng registration. Bukas ang mga opisina kahit Sabado at holidays upang mas mapadali ang proseso. Dagdag pa ni Officer Dennis, hindi sapat na rehistrado lamang ang botante; mahalaga ring maging responsable sa pagpili ng mga kandidato.

Bukod sa barangay elections, pinaaalalahanan na rin ang mga mamamayan na magsanay sa tamang pagpili ng mga opisyal dahil sa darating na 2028 ay isasagawa ang national at local elections.

Advertisement