Photo ©web

Pinagtibay ng Supreme Court of the Philippines ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na i-disqualify ang isang kandidato sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa paglabag sa “anti-dynasty” clause ng batas.

Ibinasura ng en banc ng Korte Suprema ang petisyon ni Merson Calubag, na kumuwestyon sa resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) na nagkansela ng kanyang certificate of candidacy (COC) bilang SK chairperson ng Barangay Magtangale sa San Francisco, Surigao del Norte.

Ayon sa Comelec, mali umanong idineklara ni Calubag sa kanyang COC na wala siyang kamag-anak sa loob ng second civil degree ng sinumang incumbent barangay official, gayong ang kanyang ina ay kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Barangay sa kanilang lugar.

Ipinatupad ang Section 10 ng Republic Act 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015, na nagbabawal sa mga kandidato sa SK na may malapit na ugnayan sa mga nakaupong opisyal sa parehong saklaw ng pamahalaan.

Advertisement

Sa desisyon, kinilala ng Supreme Court of the Philippines ang layunin ng batas na pigilan ang political dynasties, alinsunod sa polisiya ng Konstitusyon na nag-uutos sa Kongreso na tukuyin at hadlangan ang ganitong sistema sa pamahalaan.

Idiniin din ng Korte Suprema na ang RA 10742 ay nagbibigay-buhay sa intensyon ng Saligang Batas na limitahan ang impluwensiya ng political dynasties, lalo na sa antas ng barangay at Sangguniang Kabataan.

Advertisement