NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang babae matapos magbigti sa loob ng sariling kwarto sa Chico St., Brgy. Market View, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Jemalyn Fuentes Jacob, 19-anyos at residente ng naturang lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakita na lamang ng kapatid ng live-in partner ng biktima na si Arvin Gaela Guardiano na nakabigti na sa loob ng kaniyang kwarto si Jemalyn.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na agad namang ibinaba ng mga ito ang biktima at agad ding humingi ang mga ito ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.