Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pagpaslang kay Police Master Sergeant Jose Uring matapos silang maaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Obando at Bulakan, Bulacan noong Martes ng gabi, Marso 10.

Kinilala ng pulisya ang isa sa mga suspek bilang isang 43-anyos na dismissed na pulis na umano’y nagsilbing gunman sa pamamaril na naganap sa loob ng isang subdivision sa Guiguinto, Bulacan noong Linggo, Marso 8.

Ayon sa imbestigasyon, ang suspek ay may ranggong Patrolman at dating nakatalaga sa Obando Police Station. Nasibak ito sa serbisyo noong Disyembre 2023 dahil sa mga kasong grave misconduct, less grave neglect of duty, at conduct unbecoming of a police officer.

Nabatid din na dati na itong naharap sa kaso dahil sa paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act.

Advertisement

Samantala, isang 42-anyos na lalaki naman ang inaresto bilang umano’y kasabwat ng gunman at nagsilbing driver ng motorsiklong ginamit sa pagtakas matapos ang pamamaril.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang posibleng mastermind sa likod ng krimen.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder at frustrated homicide laban sa dalawang suspek.

Advertisement