Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Hulyo 1, 2026, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na may mga indikasyong maaaring naimpluwensiyahan ng isang dayuhang grupo ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon sa senadora, isa sa mga tinitingnang anggulo ng komite ang posibleng kaugnayan ng insidente sa tinatawag na “764 Network,” isang grupong nagmula sa Texas, USA.
Sa Estados Unidos, ang 764 Network ay itinalaga na bilang isang mapanganib na “global child exploitation enterprise” dahil sa umano’y pagsasamantala nito sa mga menor de edad sa internet.
Batay sa mga natuklasan ng komite, tinatarget ng grupo ang mga bulnerableng kabataan sa pamamagitan ng chat functions ng mga online gaming platform. Dito umano nila ginagawang biktima ng online grooming ang mga kabataan, bago i-brainwash at i-radicalize upang gayahin ang mararahas na gawain gaya ng school shootings, paggawa ng pornograpiya, at pananakit sa iba o maging sa kanilang sarili.
Gayunman, nilinaw ni Hontiveros na hindi ang mga online game o ang gaming community ang sentro ng isyu.
Pinasinungalingan din niya ang mga kumakalat na maling impormasyon na nagsasabing isinusulong niya ang total ban sa mga online game tulad ng Roblox at GoreBox.
Aniya, ang layunin ng imbestigasyon ng Senado ay tukuyin kung paano nalalampasan ng mga mapanlinlang na grupo ang umiiral na safeguards ng mga digital platform at kung paano higit na mapoprotektahan ang mga kabataang Pilipino laban sa online exploitation at karahasan.








