Nilinaw ng Department of Education (DepEd)-Camarines Sur ang mga hakbang na dapat ipatupad ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa harap ng matinding init at posibleng suspensyon ng klase.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Salvador Pelingon, Division Information Officer, Deped-Camarines Sur, , Division Information Officer ng DepEd-Camarines Sur, na nakabatay ang pagsuspinde ng klase sa mga ulat ng PAGASA at rekomendasyon ng mga kinauukulang disaster risk reduction offices.

Ayon kay Pilingon, pinapayagan ang localized suspension depende sa aktuwal na kondisyon ng panahon sa bawat lugar. Patuloy rin umanong hinihingan ng incident reports ang mga paaralan upang masubaybayan ng dibisyon ang mga sitwasyon at hakbang na kanilang ipinatutupad.

Bilang proteksiyon laban sa dehydration at iba pang epekto ng matinding init, ipinayo ng opisyal na tiyaking may sapat na inuming tubig sa mga paaralan at magpatupad ng regular na paalala sa mga mag-aaral na uminom ng tubig. Maaari ring bawasan ang bilang ng mga estudyante sa loob ng silid-aralan o gumamit ng alternatibong learning modalities kung kinakailangan upang mabawasan ang pagsisiksikan at init sa mga classroom.

Advertisement

Iminungkahi rin ni Pelingon na gamitin nang naaayon sa mga umiiral na patakaran ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa pagbili ng electric fans, air-conditioning units at iba pang kagamitang makatutulong sa bentilasyon. Hinikayat din niya ang mga paaralan na maagang ayusin ang kanilang Work and Financial Plan para sa 2027 upang mapaglaanan ng pondo ang mga pangangailangang ito. Samantala, wala pa umano siyang natatanggap na opisyal na ulat hinggil sa malawakang kakulangan o pagkaantala ng suplay ng tubig sa mga paaralan.

Kaugnay naman ng pagsusuot ng uniporme, nilinaw ng opisyal na may nakahandang polisiya tungkol dito, ngunit hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng uniporme sa pagpasok ng mga mag-aaral. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagsubaybay sa kondisyon ng panahon at maagap na pagtugon ng mga paaralan upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.

Advertisement