Muling pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aabono o anumang uri ng sapilitang kontribusyon sa ilalim ng Brigada Eskwela.

Ayon sa DepEd, nananatiling mahigpit na ipinatutupad ang “No Collection Policy” na nagbabawal sa mga paaralan, guro, at school officials na manghingi o mag-utos ng anumang bayarin o ambag mula sa mga magulang, mag-aaral, at iba pang miyembro ng komunidad kaugnay ng programa.

Nilinaw ng kagawaran na ang Brigada Eskwela ay hindi isang fundraising activity kundi isang “bayanihan” na inisyatiba kung saan boluntaryo ang pakikilahok ng mga stakeholders upang ihanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase.

Giit ng DepEd, maaaring umasa ang mga paaralan sa suporta ng mga partner, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor, ngunit hindi ito dapat ituring na obligadong kontribusyon mula sa mga indibidwal.

Advertisement

Pinaalalahanan din ang mga paaralan na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pangongolekta ng Brigada Eskwela fees sa lahat ng yugto ng programa, kabilang ang paghahanda, implementasyon, at post-implementation activities.

Ayon pa sa DepEd, layunin ng patakarang ito na mapanatili ang integridad ng programa at matiyak na walang magulang o guro ang mapipilitang gumastos mula sa sariling bulsa para sa paghahanda ng mga paaralan.

Patuloy na hinihikayat ng kagawaran ang boluntaryong pakikilahok ng mga komunidad upang maisulong ang ligtas, malinis, at handang mga paaralan para sa mga mag-aaral.

Advertisement