Nanindigan ang panig ng depensa na dapat ibasura ng komite ang hiling ng prosekusyon na mag-isyu ng subpoena para makuha ang bank records at tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang mister na si Atty. Manases Carpio.
Sa isinagawang pagtalakay sa mosyon, iginiit ni Atty. Michael Poa na hindi dapat basta-basta pagbigyan ang kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena, lalo na kung hindi malinaw kung paano direktang makatutulong ang mga hinihinging dokumento sa paglilitis.
Ayon kay Poa, batay sa umiiral na jurisprudence, may mga itinakdang pamantayan upang maging balido ang isang subpoena. Kabilang dito ang pagkakaroon ng “definiteness,” o ang malinaw na pagtukoy kung anong partikular na rekord o dokumento ang hinihingi, at ang “relevance,” o ang pagkakaroon ng direktang kaugnayan ng mga dokumento sa usaping tinatalakay sa paglilitis.
Ipinaliwanag ng abogado na mahalagang masunod ang mga rekisito upang matiyak na hindi magiging labis o walang sapat na batayan ang panghihingi ng mga pribadong rekord ng isang indibidwal.
Dagdag pa ng depensa, ang pagkuha ng mga bank at tax records ay isang sensitibong usapin dahil may kinalaman ito sa pribadong impormasyon, kaya kinakailangang may sapat na basehan bago ito pahintulutan.
Dahil dito, hiniling ni Poa na tanggihan ng komite ang mosyon ng prosekusyon at huwag magpalabas ng subpoena para sa mga naturang dokumento nina Vice President Duterte at Atty. Carpio.
Samantala, inaasahang pagdedesisyunan ng komite sa pamamagitan ng botohan ang mga nakabinbing mosyon, kabilang ang kahilingan para sa subpoena sa mga rekord ng bangko, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).












