Kinumpirma ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro na may impormasyon ang pamahalaan na nasa Paris ang dating kongresista na si Zaldy Co habang patuloy itong mino-monitor ng embahada ng Pilipinas sa France.
Ayon kay Lazaro, nagmula ang impormasyon sa isang “highly regarded diplomatic source,” kasabay ng ulat na hinihinalang humihiling ng asylum si Co sa France matapos masangkot sa mga kasong katiwalian.
Nahaharap si Co, kasama ang 17 iba pa, sa kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y maanomalyang P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Sinabi ng kalihim na sensitibo ang usapin ng asylum sa ilalim ng regulasyon ng European Union, ngunit tiniyak niyang isinasagawa ng pamahalaan ang lahat ng legal na hakbang upang maibalik sa bansa ang dating mambabatas.
Nauna nang kinansela ng Department of Foreign Affairs ang diplomatic passport ni Co noong Disyembre 2025, habang ang kanyang regular passport ay paso na mula pa noong 2022.
Samantala, nagpahayag ang Malacañang na humihingi ng paliwanag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bakit hiniling ng France ang pagpapalaya kay Co mula sa kustodiya ng Czech Republic, na kanyang inilarawang “very unsatisfactory.”












