Ipinaliwanag ni Jonvic Remulla kung bakit sa National Bureau of Investigation humingi ng dagdag na seguridad ang pamunuan ng GSIS at hindi sa Philippine National Police kaugnay ng insidente sa Senado.
Ayon kay Remulla, sa NBI humingi ng tulong si GSIS President at General Manager Wick Veloso dahil naka-deploy na ang maraming tauhan ng PNP sa mga rally sa labas ng Senado.
Sinabi ng kalihim na tinatayang nasa 1,000 pulis ang naka-duty sa paligid ng Senate compound kaya minabuti umano ng pamunuan ng GSIS na sa NBI na lamang humingi ng karagdagang seguridad batay sa kakayahan nito.
Gayunman, iginiit ni Remulla na walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng PNP at NBI dahil pareho naman silang law enforcement agencies.
Ipinaliwanag din niya na una nang humiling ng dagdag na seguridad si Veloso dahil sa mga mamahaling artwork na nakalagak sa GSIS building na umaabot umano sa bilyong piso ang halaga.
Dagdag pa ng kalihim, minabuti rin ng GSIS na palakasin ang seguridad matapos manawagan si Senador Ronald dela Rosa ng “People Power” upang maiwasan ang posibleng paglawak ng kaguluhan sa katabing gusali.
Nilinaw rin ni Remulla na wala sa 29 na NBI agents na ipinadala sa lugar ang pumasok sa loob ng Senado at wala rin umanong suot na tactical gear ang mga ito.
Ayon pa sa kalihim, coordinated din umano sa Senate security personnel ang isinagawang drilling work sa unang palapag upang mapatatag ang pintuan sa pagitan ng GSIS at Senado.
Sinabi ni Remulla na batay sa anim na araw na imbestigasyon, walang ebidensyang magpapatunay na inatake ang Senado.














