Pinaigting ng Department of Energy – Visayas Field Office (DOE-VFO) ang inspeksyon sa iba’t ibang fuel retail outlets sa buong rehiyon upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng malawakang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na nagkabisa noong Nobyembre 10.

Sa pangunguna ng mga monitoring team, masusing binabantayan ng ahensya ang aktuwal na presyo ng mga produktong langis sa mga fuel pump gayundin ang mga price display board upang matiyak na naaayon ang mga ito sa inanunsyong rollback. Layunin nitong matiyak na lubos na mapapakinabangan ng mga motorista at mamimili ang ipinatupad na pagbaba ng presyo.

Samantala, ang mga gasolinahang mapatutunayang hindi sumusunod sa itinakdang presyo ay inaatasang magpaliwanag sa pamamagitan ng Show Cause Order (SCO) na inilabas ng DOE. Binibigyan ang mga nasabing establisyimento ng 24 oras upang magsumite ng pormal na nakasulat na paliwanag hinggil sa kanilang paglabag.

Pinalalawak din ng ahensya ang monitoring operations nito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa buong rehiyon upang matiyak na nasusunod ng lahat ng fuel retail outlets ang umiiral na mga regulasyon.

Advertisement

Kaugnay nito, nananawagan ang DOE sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang anumang iregularidad o hindi pagsunod sa ipinaiiral na presyo ng mga produktong petrolyo.

Advertisement