Isinasagawa ang School-Based Immunization Program upang magbigay ng karagdagang proteksyon sa mga mag-aaral laban sa iba’t ibang sakit sa pamamagitan ng libreng pagbabakuna.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mariel G. San Agustin, Midwife I ng City Health Office, sinabi nito na kabilang sa mga target na benepisyaryo ng programa ang mga mag-aaral sa Grade 1, Grade 4, at Grade 5. Layunin ng nasabing programa na mabigyan sila ng proteksyon laban sa ilang sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna.

Ayon kay San Agustin, ang mga mag-aaral sa Grade 1 ay babakunahan ng Tetanus at Diphtheria (Td vaccine) bilang karagdagang proteksyon laban sa dalawang nabanggit na sakit.

Samantala, ang mga babaeng mag-aaral sa Grade 4 ay babakunahan ng Human Papillomavirus (HPV) vaccine na nakatutulong upang maiwasan ang cervical cancer.

Advertisement

Kabilang din sa programa ang mga mag-aaral sa Grade 5 na pasok sa itinakdang alokasyon at nakatutugon sa mga kinakailangan para sa pagbabakuna.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng programa, kinakailangan munang kumuha ng pahintulot o parental consent mula sa mga magulang o guardian bago bakunahan ang mga mag-aaral.

Magsasagawa rin ng health assessment sa mga bata upang matiyak na angkop at ligtas para sa kanila ang pagbabakuna. Pagkatapos ng proseso, oobserbahan at susubaybayan ang mga ito upang matukoy kung may posibleng adverse reactions o side effects.

Samantala, hinihikayat ang lahat ng mga magulang at guardian na makipagtulungan at suportahan ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang parental consent.

Binigyang-diin nito na ang pagbabakuna ay isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang mga bata laban sa iba’t ibang sakit.

Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga paaralan, health worker, at mga magulang, higit na mapalalakas ang proteksyon at mapananatiling malusog ang mga mag-aaral.

Advertisement