Nagpahayag ng mataas na kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na maibabalik sa Pilipinas si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co mula sa Czech Republic, ayon kay Justice Secretary Fredderick A. Vida na nagsabing 99% tiyak ang kanilang tagumpay sa usapin.
Sa pahayag ng kalihim, bagamat mataas ang kanilang kumpiyansa, hindi pa maaaring tukuyin ang eksaktong petsa o timetable kung kailan maiuuwi sa bansa ang dating mambabatas.
Iginiit ni Vida na hindi nila maaaring pangunahan ang desisyon ng gobyerno ng Czech Republic, na kasalukuyang may hurisdiksyon kay Co.
Sa kasalukuyan, nasa Czech Republic si Vida kasama si Justice Chief State Counsel Dennis Chan upang makipagpulong sa mga awtoridad ng naturang bansa.
Layunin ng kanilang pagbisita na magbukas ng pormal na dayalogo sa pagitan ng dalawang bansa upang talakayin ang usapin ng pagbabalik ni Co sa Pilipinas.
Ayon sa DOJ, prayoridad ang kaso dahil na rin sa matinding interes ng publiko sa magiging kahihinatnan ng dating kongresista.
Samantala, tiniyak ng kalihim na kahit pa mag-apply ng asylum si Co, gagawin ng pamahalaan ang lahat upang matiyak na maibabalik pa rin ito sa bansa.
Inamin naman ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na walang katiyakan na makakasama nila si Co sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas matapos ang pagbisita sa Czech Republic.












