NAGA CITY- Patay ang isang driver at helper ng isang truck matapos mawalan ng kontrol at mahulog sa bangin sa Maharlika Highway, Barangay, Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Patrick Ciega, 37-anyos, residente ng B16 L37 Manggahan Floodway, Cainta, Rizal at Rex Gumarang 37-anyos, residente ng Marulas Valenzuela, City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng Maharlika Higway sa Barangay Malinao Ilaya, nang biglang mawalan ng kontrol si Ciega sa pagmamaneho pagdating sa pakurbadang bahagi ng daan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nagpaikot-ikot at tumama pa sa concrete barrier ang truck bago tuluyang mahulog sa bangin.

Dahil sa aksidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sina Ciega ast Gumarang na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal pero idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.