Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatuloy ng voluntary price freeze sa basic necessities at prime commodities hanggang Mayo 10 matapos ang kasunduan sa pagitan ng mga manufacturer at retailer.
Ayon kay Trade Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque, ang desisyon ay bunga ng serye ng konsultasyon sa mga stakeholders ng industriya upang mapanatili ang katatagan ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Nauna rito, nakatakda lamang sana ang price freeze hanggang Abril 30, ngunit pinalawig ito matapos ang mga bagong kasunduan sa mga kumpanya ng produkto at tingian.
Sinabi ni Roque na nakatutulong din ang pagbaba ng presyo ng ilang input costs, kabilang ang langis, sa pagpapanatili ng stable na presyo ng mga bilihin.
“Of course, lahat nakakatulong. Whatever decrease in cost, it always helps naman,” ani Roque.
Saklaw ng price freeze ang mga piling basic necessities at prime commodities na regular na mino-monitor ng DTI upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo.
Tiniyak ng ahensya na magpapatuloy ang koordinasyon sa mga manufacturer at retailer upang mapanatili ang abot-kayang presyo ng mga pangunahing produkto, lalo na sa gitna ng pabago-bagong kondisyon ng pandaigdigang merkado.














