NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang lalaki matapos na malunod sa Barangay Paolbo, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Cristopher Delloro, 40-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na mismong ang ama ng biktima na kinilalang si Jovito Delloro, 66-anyos, ang nakakita sa katawan ni Cristopher na wala ng buhay sa ilalim ng tulay sa isang creek sa lugar at pinaniniwalaang nalunod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napag-alaman na isang epileptic patient ang nasabing biktima.

Dagdag pa ni Spaña, lagi na aniyang sinusumpong ng kanyang sakit ang biktima kung saan nagkataon na nasa ilalim ito ng tulay nang atakihin ito na naging dahilan ng pagkalunod nito.

Samantala, wala namang nakitaan na foul play sa nasabing insidente ngunit patuloy pa naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.