Naniniwala si dating Senate President Franklin Drilon na hindi hadlang ang kawalan ng legal background ng isang senador upang magampanan nito ang tungkulin bilang senator-judge sa impeachment court.

Ayon kay Drilon, hindi mahalaga kung abogado man o hindi ang isang senador basta’t marunong itong sumunod sa mga umiiral na patakaran ng Senado at sa itinatakda ng Konstitusyon.

Ginawa niya ang pahayag kasunod ng naging kontrobersiyal na komento ni Senador Rodante Marcoleta tungkol sa umano’y kakulangan sa legal background ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay ng inaasahang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ipinaliwanag ni Drilon na mismong disenyo ng legislative at impeachment proceedings ay ginawa upang kahit ang mga hindi nagtapos ng abogasya ay makalahok at makapagdesisyon bilang mga mambabatas at senator-judges.

Advertisement

Nanindigan din ang dating Senate President na maaaring gampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin basta’t bukas silang matuto at tapat sa kanilang sinumpaang mandato.

Dagdag pa niya, maaari namang kumuha ng mga legal adviser ang mga senador upang matiyak na nakaayon sa batas at Konstitusyon ang kanilang mga magiging desisyon sa impeachment proceedings.

Advertisement