Mas tumataas na umano ang panganib ng matinding pag-ulan sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia dahil sa patuloy na epekto ng climate change, ayon sa isang bagong pag-aaral ng mga siyentipiko.
Sa research na may pamagat na “Unseen but Increasing: Recent Changes in Risk of Extreme Precipitation over Southern Africa and Southeast Asia,” gumamit ang mga mananaliksik ng climate models upang suriin ang mga extreme rainfall events mula 1981 hanggang 2024.
Batay sa pag-aaral, lumalabas na mas mataas na ngayon ang posibilidad ng malalakas na pag-ulan sa rehiyon, partikular tuwing tag-ulan. Sa ilang lugar sa Southeast Asia at Africa, kabilang ang malalaking lungsod, nadoble umano ang panganib ng extreme rainfall sa ilang buwan.
Partikular sa Pilipinas, nakita sa pag-aaral na pinakamataas ang pagtaas ng risk sa southern Philippines mula Hunyo hanggang Nobyembre. Sa northern Philippines naman, mas mataas ang panganib mula Nobyembre hanggang Mayo, habang sa central Philippines ay tumitindi ang risk tuwing Agosto hanggang Oktubre kasabay ng peak season ng mga bagyo.
Ayon pa sa mga mananaliksik, ang Metro Manila na dating nakararanas ng “once in 100 years” na extreme rainfall ay maaari nang makaranas ng mas madalas na matitinding pag-ulan sa mga susunod na taon.
Ipinakita rin sa projection ng pag-aaral na patuloy pang tataas ang panganib ng extreme rainfall sa loob ng susunod na dalawang dekada dahil sa epekto ng climate change.
Tinukoy din ng mga siyentipiko ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang maituturing na “sitting ducks” o may mataas na exposure sa matitinding pag-ulan kahit hindi pa nakararanas kamakailan ng pinakamatitinding record-breaking weather events.








