Bahagyang tumaas ang farmgate price ng palay sa bansa nitong Pebrero, ayon sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa datos ng PSA, umakyat ng hanggang 10.4 porsyento ang farmgate price kung saan naitala sa P22.47 kada kilo ang national average na presyo ng tuyong palay.
Mas mataas ito kumpara sa presyong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Nanguna ang Cagayan Valley sa may pinakamataas na farmgate price ng palay na umabot sa P28.12 kada kilo, na may pagtaas na 44.3 porsyento kumpara noong nakaraang taon.
Sumunod naman ang Central Luzon, isang kilalang rice-producing region, na nakapagtala ng average farmgate price na P25.86 kada kilo.
Sa kabilang banda, ang Caraga Region ang may pinakamababang naitalang presyo ng palay sa P17.96 kada kilo.
Samantala, tinataya ng PSA ang posibleng pagbaba ng produksyon ng palay sa unang quarter ng 2026 ng hanggang 7.1 porsyento batay sa pagsusuri sa mga bulto ng standing crops noong Pebrero.














