Nagbabala ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa mga pulisya sa California hinggil sa posibleng drone attack ng Iran sa West Coast bilang ganti sa mga pag-atake ng Estados Unidos sa bansa.

Sa isang security alert na inilabas noong huling bahagi ng Pebrero, sinabi ng FBI na may impormasyong natanggap na umano’y nagbabalak ang Iran na magsagawa ng sorpresa o biglaang pag-atake gamit ang unmanned aerial vehicles o drones mula sa isang hindi kilalang barko sa karagatan malapit sa Estados Unidos.

Ayon sa ulat, posibleng target ng naturang plano ang mga hindi pa tinutukoy na lugar sa California kung magsasagawa ng airstrikes ang US laban sa Iran.

Gayunman, nilinaw ng FBI na wala pa silang karagdagang detalye hinggil sa eksaktong oras, paraan, target o kung sinu-sino ang maaaring magsagawa ng naturang pag-atake.

Advertisement

Lumabas ang babala kasabay ng patuloy na pag-atake ng Estados Unidos laban sa Iran at ang pagganti naman ng Tehran sa pamamagitan ng drone strikes sa iba’t ibang target sa Gitnang Silangan.

Samantala, sinabi ng tanggapan ni California Governor Gavin Newsom na nakikipag-ugnayan ang mga state, local at federal security officials upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad.

Nagpatupad din ng mas mataas na antas ng paghahanda ang Los Angeles Sheriff’s Department, kabilang ang pagdaragdag ng patrol sa mga simbahan, cultural institutions at iba pang mahahalagang lugar sa county.

Ayon naman sa mga eksperto sa seguridad, matagal nang may pangamba ang US intelligence officials na maaaring gumamit ng drones ang mga kalaban ng Estados Unidos mula sa karagatan o sa mga kalapit na bansa kung lalala ang tensyon sa rehiyon.

Advertisement