Tinalakay ni Barangay Captain Alfonso Rodriguez ng Barangay San Felipe, Naga City ang epekto ng El Niño sa suplay ng tubig na ginagamit ng mga magsasaka sa kanilang mga sakahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rodriguez, sinabi nitong nagmumula sa Carolina at Panicuason ang tubig na ginagamit sa irigasyon, subalit may mga pagkakataong hindi na ito nakararating sa mga sakahan na nagdudulot ng kakulangan sa suplay.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan ang barangay sa Irrigators Association upang magtakda ng iskedyul sa pamamahagi ng tubig at matiyak ang sapat na suplay para sa mga magsasaka.
Patuloy din umanong minomonitor ng mga magsasaka ang daloy ng tubig upang matiyak na may magagamit sila sa kanilang mga sakahan, lalo na tuwing umaga.
Kaugnay nito, hinikayat ni Rodriguez ang publiko na maging responsable sa paggamit ng tubig upang mabawasan ang epekto ng El Niño at mapanatili ang produksyon ng mga pananim.














