Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa mas mataas na panganib ng pagkasira ng pagkain at kontaminasyon ng tubig dulot ng matinding init ngayong panahon ng El Niño.
Ayon sa kagawaran, ang mataas na temperatura, kasabay ng posibleng pagkaantala ng suplay ng kuryente, ay maaaring magpabilis sa pagdami ng mga bacteria. Dahil dito, mas madaling mapanis ang mga lutong pagkain at masira ang mga hilaw na sangkap.
Bilang pag-iingat, pinayuhan ng DOH ang publiko na gumamit lamang ng malinis at ligtas na tubig sa paghuhugas ng kamay, gulay, karne, at mga kagamitang ginagamit sa paghahanda ng pagkain upang maiwasan ang foodborne illnesses.
Para naman sa inuming tubig, inirerekomenda ng ahensya ang pagpapakulo nito, lalo na kung hindi tiyak ang kalinisan at kaligtasan ng pinagkukunan, upang mapuksa ang mga posibleng mikrobyo na maaaring magdulot ng sakit.
Pinaalalahanan din ang publiko na iwasang iwan nang matagal sa ilalim ng araw o sa temperatura ng kuwarto ang mga lutong pagkain. Mahalaga ring takpan nang maayos ang mga ito, itago sa tamang temperatura, o ubusin agad upang maiwasan ang pagdami ng mga mapanganib na bacteria.
Binigyang-diin ng DOH ang kahalagahan ng wastong kalinisan, ligtas na paghahanda, at tamang pag-iimbak ng pagkain at tubig upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat pamilya laban sa mga sakit na maaaring lumaganap ngayong mainit na panahon.














