Ibinahagi naman ang naging sentro ng unang linggo ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang pagtalakay sa Article IV ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa kasong grave threats.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rep. Terry Ridon (Bicol Saro Partylist), sinabi nito na naging mahalaga ang presentasyon ng prosekusyon ng video documentation na umano’y nagpapatunay sa naganap na pagbabanta laban sa Pangulo, First Lady, at dating House Speaker. Sa testimonya ni NBI Senior Agent Kalilong, inilahad ang mga video na nagsisilbing pangunahing ebidensya sa naturang alegasyon.

Humiling naman ang prosekusyon ng subpoena para sa bank at tax records ni Vice President Duterte bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng graft at betrayal of public trust. Hiniling din nitong ipatawag ang Office of the Vice President Chief of Staff na si Zuleika Lopez bilang testigo at ikinokonsidera ring gawing hostile witness ang Bise Presidente upang direktang matanong ukol sa kanyang mga pahayag at motibasyon.

Sa panig ng depensa, sinabi ni Ridon na tila kinilala ng kampo ng Bise Presidente ang pag-iral ng mga pahayag na itinuturing na pagbabanta, ngunit iginiit umano nilang may konteksto ang mga ito at bunga ng emosyon at paniniwalang inaapi ang kanyang pamilya. Hinamon din ni Ridon si Vice President Duterte na personal na humarap sa Senate Impeachment Court bilang pagpapakita ng paggalang sa proseso at kahandaang sagutin ang mga akusasyon.

Advertisement

Kaugnay ng pamamalakad ng paglilitis, sinabi ni Ridon na wala siyang nakikitang isyu kung sino ang namumuno sa impeachment proceedings dahil ito ay alinsunod sa mga alituntunin ng Senado. Ayon din sa kanya, kinakailangan ang hindi bababa sa 16 na boto mula sa mga senator-judges upang mahatulang guilty ang Bise Presidente, habang tinatayang maaaring tumagal nang humigit-kumulang walong buwan ang buong proseso.

Sa mga susunod na linggo, inaasahang magpapatuloy ang presentasyon ng mga testigo at ang pagtalakay sa mga mosyon ng magkabilang panig, kabilang ang kahilingan para sa subpoena ng bank at tax records. Iginiit ni Ridon na ang impeachment trial ay isang mahalagang mekanismo ng pananagutan upang matiyak na ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan ay mananagot sa taumbayan.

Advertisement