Isang grupong nagpakilalang “former loyalists” nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang ama ang nag-anunsyo ng suporta sa posibleng tambalang Sara Duterte at Chavit Singson para sa 2028 national elections.
Sa isang press conference, sinabi ng tinaguriang Sara-Chavit 2028 Nationwide Movement na nagkaisa sila kasunod ng pahayag ni Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon sa grupo, kumpiyansa silang maipapamalas ni Duterte ang kanyang karanasan bilang dating alkalde ng Davao City sa pambansang pamamahala, lalo na sa mga usapin ng ekonomiya, kapayapaan at kaayusan, at kaunlaran.
Iminungkahi rin ng grupo si Singson bilang posibleng maging katambal ni Duterte sa pagka-bise presidente, na anila ay may sapat na kakayahan at karanasan sa serbisyo publiko, batay sa kanyang naging pamumuno sa Ilocos Sur.
Gayunman, inamin ng grupo na wala pang pormal na pag-uusap ukol sa endorsement kay Singson at wala pa ring direktang komunikasyon sa kanya hinggil sa nasabing plano.
Nauna nang inihayag ni Duterte na mayroon na siyang napiling running mate, ngunit hindi pa niya ito ibinubunyag upang maprotektahan umano ito mula sa impluwensya ng pulitika.














