Inaprubahan ng House Committee on Justice ngayong Lunes, Mayo 4 ang committee report na may kalakip na resolusyon na nagtatakda ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na nagbubukas ng daan para sa botohan sa plenaryo ng Kamara.
Ang pag-apruba ay bunsod ng mosyon ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez ng Quezon’s 2nd District, na sinuportahan ng lahat ng 55 miyembro ng komite.
Ayon kay House Justice Committee Chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, sinunod ng komite ang Saligang Batas sa bawat hakbang ng impeachment proceedings.
“Sinunod natin ang Konstitusyon. Hindi tayo nagmadali; hindi tayo nag-shortcut,” ani Luistro, at idiniin na maingat at may pananagutan ang pagdinig ng ebidensya at testimonya.
Binigyang-diin din niya na ang layunin ng proseso ay katotohanan at hustisya, kung saan lilinawin kung may pananagutan o wala ang Bise Presidente.
Bago ang pag-apruba ng committee report, tinalakay sa mga pagdinig ang iba’t ibang kontrobersyal na alegasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, mga kahina-hinalang resibo, at testimonya ng mga saksi tungkol sa “envelope system.”
Lumabas din sa pagdinig ang ulat ng Philippine Statistics Authority na walang rekord sa civil registry ang ilang pangalan ng umano’y recipients ng confidential funds.
Ipinrisinta rin ang findings ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nag-flag ng bilyon-bilyong pisong transaksyon na umano’y may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.
Ibinahagi rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ulat tungkol sa mga umano’y pekeng pirma at pati ang isang video na may kaugnayan sa banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay Luistro, ang mga ito ay bumubuo ng “rock solid” na batayan para sa impeachment case, habang iginiit ng ilang mambabatas na mahalaga ang pananagutan ng mga opisyal upang labanan ang korapsyon at mapanatili ang tiwala ng publiko.
Inaasahan na ang susunod na hakbang ay ang botohan sa plenaryo ng Kamara bago maipasa ang kaso sa Senado para sa pormal na impeachment trial.














