Natukoy ng House Committee on Justice ang pagkakaroon ng probable cause upang i-impeach si Vice President Sara Duterte, matapos aprubahan ang consolidated complaint laban sa kanya at iakyat ito sa plenaryo ng Kamara para sa botohan sa Mayo 4.
Nagkaisa ang komite sa kanilang desisyon, batay sa ebidensyang iniharap sa dalawang impeachment complaints na nag-aakusa ng umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Kung makakakuha ng suporta ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara—katumbas ng 106 mambabatas—uusad ang impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Nagpasya rin ang komite na manatiling selyado ang ilang tax records na iniuugnay kay Duterte, sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na ito’y buksan para sa mas masusing pagsusuri.
Ayon kay Leila de Lima, isa sa mga nag-endorso ng reklamo, ipinapakita umano ng ebidensya ang “nakababahalang pattern” ng hindi maipaliwanag na yaman at mga hakbang na aniya’y sumasalungat sa Saligang Batas.
“There’s no question we have enough and valid reason for this process to move forward and impeach the Vice President,” ani De Lima.
Inatasan naman ni Committee Chairperson Gerville Luistro ang paghahanda at pagpapadala ng ulat ng komite sa lahat ng kinauukulan, kabilang ang mga complainant, respondent, at mga miyembro ng Kapulungan.
Samantala, sinabi ni Vicente Sotto III na maaaring simulan ng Senado ang paglilitis sa kalagitnaan ng Mayo, at handa itong kumilos agad oras na matanggap ang articles of impeachment.
Dagdag pa niya, kung maipapasa ng Kamara ang mga artikulo sa Mayo 4, posibleng makapag-convene ang Senado bilang impeachment court sa susunod na araw.













