Humiling ang House prosecution panel sa Senate impeachment court ng 62 trial dates upang maipresenta ang kanilang mga ebidensya at mga testigo sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., ang kahilingan ay nakabatay sa dami ng mga saksi at ebidensyang nakasaad sa kanilang isinumiteng pre-trial brief. Sa kabilang banda, 30 trial dates lamang ang hinihiling ng kampo ng depensa ni Vice President Duterte.
Ipinaliwanag ni Tolosa na hindi nangangahulugang tatagal ng 62 araw ang paglilitis dahil maaari itong mapabilis kung pahihintulutan ng impeachment court na makapagtestigo ang higit sa isang saksi sa bawat araw ng pagdinig.
Dagdag pa niya, may kabuuang 97 saksi ang nakalista sa panig ng depensa, kung saan 51 sa mga ito ay kabilang din sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon.
Samantala, 248 sa kabuuang 276 ebidensyang inihain ng prosekusyon ay kasama rin sa mga dokumentong isinumite ng depensa.
Ang pinal na bilang ng mga araw ng paglilitis ay nakatakdang pagdesisyunan ng Senate impeachment court sa pamamagitan ng ilalabas nitong pre-trial order.









