Kinumpirma ni Rep. Leila de Lima na pormal nang naisumite ng House prosecution panel ang kanilang manifestation para payagan ang paggamit ng parehong English at Filipino sa mga proseso ng nalalapit na impeachment trial.

Ayon kay De Lima, layunin ng hakbang na mas maging malinaw at madaling maunawaan ng publiko ang mga magiging talakayan at paglilitis, lalo’t magiging bukas sa mamamayan ang proceedings ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang mas malawak na pag-unawa ng publiko sa mga isyung ilalahad sa paglilitis, kaya nais ng prosecution panel na magamit ang wikang mas madaling maabot ng nakararaming Pilipino.

Samantala, inihayag din ng prosekusyon na hiniling nila ang posibilidad na parehong makapaglahad ng mga tanong ang public at private prosecutors sa iisang testigo sa panahon ng paglilitis.

Advertisement

Ayon sa panel, bahagi ito ng kanilang paghahanda upang mas maging sistematiko ang presentasyon ng mga ebidensiya at testimonya sa impeachment court.

Advertisement