NAGA CITY-Natangay ng mga magnanakaw ang humigit-kumulang P800,000 kasama ang 3 cellphone ng ibang empleyado sa isang Delivery Hub sa Calauag, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na kakain sana ng kanyang hapunan ang security guard ng nabanggit na establisimyento nang bigla na lang dumating ang mga hindi pa nakikilalang apat na mga armadong suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na tinutukan pa ng baril ang security guard at kinuha ang company 9mm firearm nito ng suspek habang ang ibang suspek naman ay itinali ang ibang mga empleyado, at sapilitang kinuha ang pera na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 800,000.00 na remittance ng nasabing Hub kasama ang 3 cellphone ng ibang empleyado.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nasabing krimen.