Nagbabala ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga aspiring overseas Filipino workers (OFWs) hinggil sa bagong modus ng human trafficking kung saan ang mga pekeng job offer ay nauuwi sa sapilitang pagsisilbi sa dayuhang militar.
Sa pahayag ng IACAT at Commission on Filipino Overseas (CFO), may mga kaso na umano ng mga Pilipinong inaalok ng lehitimong trabaho ngunit kalaunan ay pinipilit na sumali sa military service matapos palitan ang kanilang employment contracts.
Nakatanggap ng mga reklamo ang mga awtoridad kaugnay ng nasabing modus sa pamamagitan ng 1343 Actionline, kung saan iniulat ang isang kumpirmadong kaso na kasalukuyan nang iniimbestigahan.
Ayon sa IACAT, ang bagong scheme na ito ay indikasyon ng patuloy na pagbabago ng taktika ng human trafficking—mula sa simpleng forced labor patungo sa sapilitang military conscription.
Dahil dito, hinimok ng ahensya ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na maging mas mapanuri at mapagmatyag sa mga alok na trabaho, lalo na kung hindi malinaw ang detalye ng kontrata.
Iginiit din ng IACAT ang pangangailangan ng mas pinaigting na hakbang laban sa trafficking upang maprotektahan ang mga Pilipino sa ibang bansa.
Sa kabila nito, nananatiling nasa Tier 1 ang Pilipinas sa ulat ng US State Department ukol sa Trafficking in Persons, na nangangahulugang sumusunod ang bansa sa minimum standards laban sa human trafficking.
Tiniyak naman ng IACAT na patuloy nitong ipatutupad ang Anti-Trafficking in Persons Act at ang mga susog nito upang mapanagot ang mga sangkot sa ganitong uri ng krimen.














