Tinalakay sa unang Status Conference ng International Criminal Court (ICC) ang paggamit ng wikang Ingles at Filipino sa paglilitis sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa prosecution panel, mahalagang maunawaan ng mga Pilipino ang buong proseso ng paglilitis dahil mahigpit itong sinusubaybayan ng publiko.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kahandaan ang ICC na maglaan ng interpreter para sa mga testigong haharap laban kay Duterte upang maisalin sa kanilang sariling wika ang mga pagdinig sa korte.
Gayunman, sinabi ng kampo ni Duterte na hindi na umano nangangailangan ng interpreter ang dating pangulo.
Samantala, itinakda ng ICC Trial Chamber III sa Nobyembre ang susunod na schedule ng paglilitis, ayon kay Presiding Judge Joanna Korner.
Patuloy ring susuriin ng ICC ang resulta ng panibagong assessment ng tatlong accredited experts hinggil sa kalusugan ni Duterte para sa ilang konsiderasyon sa kaso.














