Inihayag ni Batangas Representative Gerville Luistro na magpapatuloy ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Duterte kahit hindi ito personal na dumalo sa mga pagdinig sa Senado.
Ayon kay Rep. Luistro, malinaw na nakasaad sa Senate impeachment rules na maaaring ituloy ang paglilitis kahit hindi magsumite ng sagot o hindi humarap ang bise presidente at ang kanyang legal team.
Ipinaliwanag din ng kongresista na awtomatikong ituturing na “not guilty” plea ang hindi pagdalo ni Duterte sa impeachment proceedings.
Binigyang-diin pa ni Luistro na maaaring maging “disadvantageous” sa depensa ng bise presidente ang patuloy na pagliban nito dahil mahalaga umano ang pagharap at direktang pagsagot sa mga alegasyon sa impeachment trial.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Bise Presidente Duterte na nakadepende sa pangangailangan ng korte ang kanyang pagdalo sa mga pagdinig sa Senado.














